Nagtalaga na si Quezon City Police District Director Pol. Brig. Gen. Ronnie Montejo ng mga station commander na mangangasiwa sa dalawang bagong police stations.
Itinalaga ni Montejo si Police Major Roldante Sarmiento bilang station commander ng PS 13, habang si Pol. Maj. Eduardo Bea ay itinalagang station commander ng PS 14.
Ayon pa kay Montejo, ang station 13 ay tatawaging Bagong Silangan Police Station habang tatawaging Holy Spirit Police Station ang PS 14.
Pansamantalang mag-o-opisina ang PS 13 sa Police Community Precinct 1 o dating PCP 5 ng Batasan Police Station na nakahimpil sa Narra St. corner Payatas Road, Quezon City, ito’y habang tinatapos ang station headquarters nito sa Florendo Compound sa Brgy. Bagong Silangan.
Sakop ng station 13 ang Brgy. Bagong Silangan at Brgy. Payatas.
Apat na barangay naman ang responsibilidad ng PS 14, kabilang ang Brgy. Holy Spirit, New Era, Pasong Tamo at Culiat.
Ikakalat naman ang abot sa 258 na uniformed personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion ng NCRPO at District Mobile Force Battalion sa dalawang bagong police station.