Hinihikayat ngayon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang humigit kumulang 20 indibidwal na mga sangkot sa pagkasawi ng 4Th Year Criminology Student na si Ahldryn Bravante na lumitaw na at sumuko sa pulisya.
Ayon kay QCPD Spokesperson Lt. Col. May Genio, bukod sa apat na nasa kustodiya na ng QCPD-CIDU ay mayroon pa silang natukoy na mahigit sampung persons of interest sa naturang insidente.
Pinasusuko na sila ngayon ng QCPD para mapakinggan ang kanilang mga panig.
Lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na tinapon sa ilog sa nagtahan ang paddle na ginamit sa initiation rites ng Tau-Gamma Phi Fraternity.
Paliwanag pa ni Genio na mga bottled water na lamang din umano ang na-recover ng pulisya sa abandonadong gusali kung saan ginawa ang initiation rites kahapon.
Patuloy na rin ngayong nakikipag-ugnayan ang QCPD maging sa Philippine College of Criminology hinggil sa kaso.
Sasampahan naman ang apat na sumukong mga suspek sa paglabag sa Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law.