Ibinasura ng Quad Committee ang motion to quash o apela ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque laban sa utos na magsumite sya ng mga dokumento kaugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Kabilang sa mga dokumento na pinapasumite ng quad committee kay Roque ay ang business records, tax returns at mga Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Sa nakalipas na pagdinig ng quad committee ay nangako si Roque na isumite ang nabanggit na mga dokumento pero nagbago ito ng pasya at sa halip ay naghain ng motion to quash the subpoena.
Katwiran ni Roque, ang naturang mga dokumento ay walang kinalaman sa imbestigasyon ng Quad Committee at labag sa karapatan nya at ng kanyang pamilya sa privacy, at salungat din sa kanyang karapatang manahimik at proteksyunan ang sarili.
Giit naman ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, mahalaga ang nabanggit na mga dokumento mula kay Roque na hinihinalang may koneksyon sa Lucky South 99, ang iligal na POGO firm sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtoridad.