Iginiit nina Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers at Sta. Rosa Representative Dan Fernandez na hindi totoo ang sinabi ni dating Presidential Spokesperson Salvador Panelo na “demolition job” sa mga Duterte ang imbestigasyon ng quad committee ng Kamara.
Kasunod ito ng paglantad sa pagdinig ng quad committee ng dalawang testigo na nag-ugnay kay dating pangulong rodrigo duterte sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Diin ni Representative Barbers na syang overall chairman ng quad committee, kahit anong sabihin laban sa quad committee ay hindi ito makakaapekto sa kanilang layunin na ilutang ang katotohanan ukol sa extra judicial killings, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at ilegal na droga sinuman ang tamaan.
Giit naman ni Representative Fernandez, hindi nila kasalanan kung ang mga impormasyon at ebidensya na lumulutang sa pagdinig ng quad committee ay pumupuntirya sa mga duterte at dating administrasyon.
Paliwanag pa ni Fernandez, ang ginagawa lamang ng quad committee ay pakinggan at tanggapin ang mga ebidensya na ipinipresinta sa kanila at hindi para manira.