Umarangkada na ang ika-pitong pagdinig ng House Quad Committee ukol sa extra judicial killings, Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, at iligal na droga.
Sa simula ng pagdinig ay inilatag ni Quad Committee overall Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang mga panukalang batas na target balangkasin ng imbestigasyon.
Kabilang dito ang panukalang amyenda sa Cybercrime Law, Anti-Money Laundering Act, Revised Corporation Code of the Philippines, at Local Government Code of 1991.
Gayundin ang pag-amyenda sa batas para sa birth registration, Land Registration Act, Civil Registry Law, at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinag-aaralan din ng Quad Committee na irekomenda ang pagbuhay sa death penalty, palakasin ang Witness Protection Act, at repasuhin ang kapangyarihan ng kaukulang ahensya.
Samantala sa pagdinig ngayong araw ay inaasahang haharap si dating Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda na dumating na dito sa House of Representatives.
Magugunitang sa nagdaang hearing ng Senado ay pinakita ang mga litrato ni Acorda kasama ang nadakip na si Tony Yang o Jianxin Yang – ang nakatatandang kapatid ni Michael Yang na adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.