Tinitiyak nina presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson at vice presidential aspirant Vicente “Tito” Sotto III na kung papalarin na sila ang mananalo bilang susunod na pangulo at pangalawang pangulo ay maibigay nila sa mga Pilipino ang pagkakataon na magampanan ang kanilang tungkulin sa trabaho at malayang makapaghanapbuhay nang hindi nakokompromiso ang oras para sa sarili at pamilya.
Ayon sa Lacson-Sotto tandem, hindi talaga maiiwasan na magtrabaho nang sobra ang mga ordinaryong manggagawa para kumita ng pera at gayundin ang mga public servant na gumagawa ng paraan para mapabuti ang buhay ng bawat Pilipino lalo na ang mga nabibiktima ng hindi makatarungan at kahirapan.
Nauunawaan ng Lacson-Sotto tandem na bagama’t mahirap timbangin ang oras para sa tungkulin sa trabaho at panahon para makasama ang pamilya, kinakailangan pa rin umano ng balanse upang magkaroon ng matalinong pasya sa lahat ng aspeto ng buhay.
Paliwanag ng Lacson-Sotto tandem na ang mas mahabang oras sa pagtatrabaho ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagiging produktibo at pag-unlad para sa lahat kaya kinakailangan na may aksyon ang pamahalaan.
Naranasan din ni Lacson ang pagtatrabaho ng higit pa sa normal na oras simula nang maging intelligence officer ng gobyerno hanggang maging senador.
Aminado ang beteranong senador na hindi ito madali at kinakailangan ng dedikasyon at disiplina sa sarili para makalikha pa rin ng maayos na pagpapasya, lalo na sa mahahalaga pang operasyon.