Nakatakdang i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classifications para sa buwan ng Enero ng taong 2021.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, magpupulong ngayong umaga ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para makagawa agad sila ng rekomendasyon sa Pangulo pagdating mamayang gabi.
Sinabi rin ni Roque na maaaring malaman sa loob ng halos dalawang linggo pagkatapos ng New Year’s Celebration kung tumaas ang kaso ng COVID-19 sa loob ng Holiday Season.
Pero muling nagpaalala si Roque na sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at shields, paghuhugas ng kamay, at physical distancing.
Una nang nagbabala ang gobyerno sa posibleng pagsipa ng kaso ng COVID-19 ngayong holiday season.
Sa kanyang pulong sa mga miyembro ng gabinete nitong Sabado, hindi inaalis ni Pangulong Duterte ang posibilidad na ipatupad ang lockdown kapag kumalat sa Pilipinas ang bagong uri ng coronavirus.