Quarantine classifications sa PH, ire-review ng pamahalaan kada 15 araw – Roque

Pag-aaralan at pagpapasyahan kada dalawang linggo ang quarantine classification ng bansa para agad respondehan ang banta ng Delta COVID-19 variant.

Matatandaang inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang risk classification ng isang lungsod o siyudad kada buwan.

Ang rekomendasyong itataas o luluwagan ang community quarantine ay isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinal na desisyon.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagpapatupad ng classification ay magiging 15 araw para agad makagawa ng aksyon kapag nagkaroon ng surge.

“So, kung dati po ay nasasanay tayo na monthly ang ating quarantine classification, ngayon po ginagawa nating at least every two weeks, pero every week po mino-monitor po natin,” sabi ni Roque.

Ang risk classification level ng isang siyudad o lalawigan ay nakabase sa ilang factors tulad ng average daily attack rate, two-week growth rate, at critical healthcare utilization rate.

Sa ngayon, wala pang balak ang pamahalaan na magpatupad ng hard lockdown pero hindi nila inaalis ang posibilidad na magpatupad ng mahigpit na restrictions.

Ngayong araw, inaasahang makikipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa IATF ay ihahatid ang kanyang Talk to the People.

Facebook Comments