Quarantine Control Points, mananatili sa ilalim ng GCQ

Patuloy ang pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) ng mga Quarantine Control Points sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Inihayag ito ni PNP Director for Operations Police Major General Emmanuel Licup sa virtual press briefing ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa.

Paliwanag ni Licup, walang pinagkaiba ang mga checkpoint sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa GCQ.


Magpapatuloy pa rin aniya ang pag-check ng mga pulis kung sumusunod ang publiko sa mga alituntunin ng Inter-Agency Task Force on the management of Emerging Infectious diseases (IATF-EID).

Maliban aniya sa mga checkpoint, madadagdagan ang trabaho ng mga pulis dahil magde-deploy din sila ng mga tao sa mga magbubukas na kumpanya at mall para matiyak na nasusunod ang social distancing.

Ayon kay Licup kahit mas maluwag ang GCQ sa ECQ, kailangan parin masunod ang mga minimum health standards na itinakda ng DOH at IATF para hindi mabalewala ang magandang epekto ng ECQ sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19.

Sinabi naman ni PNP Chief Gamboa, naghihintay na lamang sila ng panibagong guidelines mula sa IATF para  ipatutupad sa mga lugar na ibiniba na sa GCQ at dun sa mga lugar na mananatili sa ilalim ng modified ECQ.

Facebook Comments