Hindi na muna pagaganahin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga Quarantine Control Points (QCP) sa mga lugar na sakop ng COVID Alert Level 1 simula bukas.
Sinabi ito ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba kaugnay ng paglalagay ng Metro Manila at 38 pang mga lugar sa pinakamababang alert level mula March 1 hanggang March 15.
Ngunit mananatili aniya ang mga regular checkpoint ng PNP na nasa mga QCP para sa pagpapatupad ng law enforcement, anti-criminality, at Commission on Elections (COMELEC) operations katulad ng election gun ban, at pagbabawal sa unauthorized security ng mga kandidato.
Aniya, wala nang restrictions sa inter-zonal at intra-zonal travel sa mga lugar na nasa Alert Level 1 kaya inaasahan din ng PNP ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila simula bukas.
Kaya naman mahigpit pa rin ang utos ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos kay NCRPO Director PMGen. Vicente Danao na makipag-coordinate sa Metropolitan Manila Development Authority at I-ACT sa inaasahang pagdagsa ng mga tao at sasakyan sa mga kalsada.