Plano ng pamahalaan na dagdagan ang mega quarantine facilities sa bansa kontra COVID-19.
Ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President and CEO at National Action Plan against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, bukod pa ito sa pitong nauna nang naitayo na mega quarantine facilities sa iba’t-ibang lugar.
Aniya, mahalaga ang nasabing pasilidad para hindi mabigatan ang mga hospital sakaling dumami pa ang mga matatamaan ng virus.
Patuloy din aniya ang paggawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga isolation at quarantine facilities.
Ipinaliwanag naman ni Dizon ang pagkakaiba ng isolation facilities sa quarantine facilities na parehong mahalaga para labanan ang COVID-19.
Ang quarantine facility aniya ay isang malaking area gaya ng Ninoy Aquino Stadium, Philippine International Convention Center (PICC), World Trade Center, Philippine Arena kung saan doon dinadala ang mga pasyente na na-test na at nakitaan ng sintomas para makapagpahinga.
Habang ang isolation facility naman ay mga hindi pa nate-test sa COVID-19 na kailangang isolate o ihiwalay.
Ang may malalang sintomas naman ay yung mga dinadala na sa mga ospital para maalagaan.