Naghahanap na ngayon ang Western Mindanao Command ng mga isla sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi para pagdalhan ng 3,000 returning Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Malaysia.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command (WESMINCOM) Commander Lieutenant General Cirilito Sobejana, bukas ay magpupulong sila kasama ang iba pang national authorities para talakayin ang mga paghahanda sa pagbabalik ng mga OFW.
Ito ay matapos ang pahayag ng Malaysian Government na kanilang ipapadeport ang 3,000 na mga OFW dahil sa walang mga dokumento sa pagtatrabaho sa kanilang bansa.
Sinabi ni Sobejana na sa gagawing pagpupulong bukas, hihilingin niyang i-delay muna ang pagbabalik ng mga OFW para maisaayos ang lahat partikular ang quarantine facilities ng mga ito.
Giit ni Sobejana, kinakailangan matiyak na COVID-free ang OFW mula Malaysia kaya dapat na mapaghandaan ang pagdating ng mga ito.
Sa ngayon, ang Sibakil Island sa Lantawan Basilan ang nakikita ni Sobejana na maaring pagdalhan sa 3,000 na mga OFW ngunit naghahanap pa rin sila sa isla ng Tawi- Tawi at Sulu na maaring maging quarantine facility.