Quarantine lapses ng isang hotel sa Boracay, iniimbestigahan na ng DOT

Inaalam na ng Department of Tourism (DOT) ang posibleng pagkukulang sa quarantine measures ng isang hotel sa Boracay matapos magkasakit ng COVID-19 ang isa sa mga empleyado nito.

Matatandaang kinumpirma ng Hue Hotels and Resort Boracay na isa sa mga personnel nito ay nagpositibo sa COVID-19 noong January 26, dahilan para suspendihin nila ang kanilang operasyon.

Ang empleyado ay asymptomatic at agad inilipat sa isang temporary facility.


Pero lumalabas na inilagay lamang sa barracks ng mga gwardya ang infected employee sa halip sa hotel facility bago idinala sa quarantine facility sa Kalibo.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, iniakyat na nila ang isyung ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa Local Government Unit (LGU).

Inatasan niya ang kanilang Regional Office 6 na magpadala ng formal endorsement sa DOLE para imbestigahan ang insidente.

Nanindigan naman ang hotel management na ginawa nila ang lahat ng mitigating measures.

Facebook Comments