Quarantine Leave Benefits, isinusulong ng isang senador

Isinusulong ni Senator Manuel “Lito” Lapid ang isang panukalang batas na naglalayon na magkaroon ng 28 days quarantine benefits sa loob ng isang taon ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.

Inihain ni Senador Lapid ang naturang panukalang batas na 28 araw na quarantine benefits ng mga kawani, empleyado at manggagawa na katumbas sa kanilang daily wage ang bawat araw na quarantine na babayaran ng kanilang mga employers.

Bukod dito, sasagutin din ng mga employer ang mga gastusin sa mga gamot at iba pa habang naka-quarantine ang empleyado na tinamaan ng COVID-19 at iba pang sakit na dahil sa kanilang trabaho.


Paliwanag ni Lapid, napakahirap at delikado ng panahon ngayon subalit marami pa rin sa ating mga kababayan ang sumasabak sa panganib para lamang makapagtrabaho.

Dagdag pa ng senador na ang masaklap aniya ay ang mga masisipag at matatapang na manggagawa, oras na tamaan sila ng sakit gaya na lamang ng COVID-19, bukod sa sila ang gagastos sa pagpapa-ospital at pagbili ng gamot, ang ilan pa sa kanila ay walang sweldong matatanggap o nauubos ang leave dahil sa kanilang quarantine.

Giit ni Senador Lapid, kaya niya isinusulong ang naturang panukalang batas na magbibigay ng hiwalay na Quarantine Leave Benefits sa mga manggagawa para sa oras na tamaan man ng sakit, masisigurong may pantustos sila sa kanilang pamilya at may pambili ng gamot para sa agarang pagaling.

Sa naturang panukalang batas ni Lapid, nakasaad na maaring i-reimburse sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ng mga empleyado at kawani ang mga nagastos ng kanilang mga employer sa quarantine period .

Sakaling maging ganap na batas, ang sinumang lalabag sa Quarantine Leave Benefits Act ay mapapatawan ng multa na mula P30,000 hanggang P200,000.

Bagama’t isinusulong niya ang hiwalay na Quarantine Leave Benefits, mananatili ang pagbibigay ng mga kompanya ng sick leave, hazard pay at iba pang benepisyo na para sa mga empleyado.

Facebook Comments