Iginiit ng OCTA Research Group na masyado pang maaga para luwagan ang quarantine restrictions sa Metro Manila sa Marso.
Ayon kay Dr. Guido David, bagama’t stable ang bilang ng COVID-19 cases sa Metro Manila, hindi dapat nagmamadali ang gobyerno sa pagluluwag ng quarantine restrictions.
“Huwag naman natin masyadong madaliin. Alam ko naghihirap na tayo, pero minsan, yung timing ng desisyon natin very critical. Oo, every month nawawalan tayo pero mahirap din namang malagay tayo sa kalagayan ng crisis at the time na may vaccine na,” sabi ni David sa isang interview sa radyo.
Ang pagpapagaan ng quarantine restrictions ay nakadepende sa paglulunsad ng vaccination program.
Ang COVID-19 vaccines ay ibibigay sa dalawang doses at may pagitan ng dalawa hanggang apat na linggo.
Una nang sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na maaari nang luwagan ang quarantine classifications sa bansa pagsapit ng Marso dahil sa pagdating ng mga COVID-19 vaccines.
Ang Metro Manila ay nananatili sa General Community Quarantine (GCQ) hanggang katapusan ng Pebrero.