Inihayag ng Mandaluyong City Government na Executive Order na lamang na naglalaman ng mga panuntunan, ang hinihintay para sa pagpapatupad ng isang linggong total lockdown sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong City.
Ayon kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, simula sa Huwebes, May 7, mag-uumpisa na ang total lockdown sa Mandaluyong na tatagal hanggang May 13.
Paliwanag ng alkalde, ang Barangay Addition Hills ang napag-desisyunang isailalim sa total lockdown dahil dito naitala ang pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Sa ilalim nito, mahigpit na ipagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga residente maliban na lang kung may emergency kung saan hindi rin kikilalanin o magiging invalid ang kanilang quarantine pass.
Dagdag pa ni Abalos na exempted naman dito ang essential workers gaya ng mga healthcare workers at pahihintutan silang makalabas ng bahay.