Nakauwi na kahapon sa kani-kanilang mga probinsya ang 337 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na dumating sa Clark, Pampanga nitong June 6, 2020.
Ito ay matapos ang tatlong araw lang na quarantine process kung saan nakuha nila ang resulta ng kanilang Reverse Transcription – Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test, sa loob lamang ng 72 oras.
Pinayagan na silang mag-home quarantine matapos na ma-test na COVID-free pagdating sa bansa.
Magugunitang ipinangako ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na gagawin nilang limang araw pababa ang pagproseso sa mga umuuwing OFWs para mapabilis ang quarantine process.
Una na ring sinabi ni National Action Plan Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi na dapat pang patagalin ang paghihintay ng mga OFW para makapiling ang kani-kanilang mga pamilya pag-uwi rito sa Pilipinas.