Nangangamba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng tumaas ang kaso ng COVID-19 kapag niluwagan ang quarantine protocols ngayong holiday season.
Inihalimbawa ni Interior Secretary Eduardo Año ang kaso sa Europe kung saan nagkaroon ng second wave ng pandemic na mas malala pa.
Sinabi ni Año, na kokonsultahin nila ang Metro Manila Mayors hinggil sa magiging quarantine classification sa National Capital Region (NCR).
Nag-isyu na ang mga alkalde ng kani-kanilang ordinansa para sa pagbabawal sa mass gatherings ngayong Yuletide season kabilang ang pangangaroling.
Matatandaang sinabi ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na inirekomenda ng Metro Manila mayors na panatilihin ang general community quarantine status sa NCR sa buong buwan ng Disyembre.