Inaasahang magdedesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagluluwag ng quarantine restriction sa susunod na buwan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kada buwan naman talaga nagpapasya ang Pangulo para sa susunod na quarantine classification.
Aniya, ikinokonsidera na ng Pangulo ang muling pagbubukas ng ekonomiya pagsapit ng Abril dahil ang patuloy na pagpapatupad ng lockdown ay magdudulot lamang ng lalo pang paghihirap ng ating kababayan.
Gayunman, mahigpit naman na mino-monitor ng pamahalaan ang two-week attack rate, daily attack rate at health care utilization rate na siyang magiging basehan ng Pangulo kung ilalagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) status ang bansa.
“Binabantayan po natin ang healthcare utilization rate dahil ang ating quarantine classification ay nakadepende po sa two-week average attack rate, sa daily average attack rate at saka sa healthcare utilization rate. Ang importante po, hindi ma-overrun ang ating mga ospital ng mga taong nagkakasakit nang seryoso.” ani Roque
Giit pa ni Roque, nasa kalagitnaan pa lamang tayo ng Marso at may panahon pa para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Binigyang-diin din nito na sakaling luwagan na ang quarantine classification, hindi nangangahulugang baliwalain na ang mga pag-iingat o pagsunod sa minimum health protocols.