Ikinokonsidera na ng economic team ng gobyerno na luwagan na ang ipinaiiral na community quarantine status sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, panahon na para magluwag dahil sumusunod naman ang publiko sa health protocol at batay sa mga datos, bumababa na ang COVID-19 case sa bansa at sa Metro Manila.
Aniya, ikukunsidera nila sa susunod na buwan ang pagluluwag ng quarantine status kapag makikitang tuloy-tuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Lopez, kaya lang naudlot ang planong unti-unting pagluluwag ng quarantine status ay dahil sa pagpasok ng UK variant.
“Pero iyong pagpapaluwag, I think it’s something we can really consider even next month kung kakayaning magtuluy-tuloy itong pagbaba. Remember, kaya lang po tayo nag-pause sandali dahil nga dito sa new variant na pumasok. At sabi na rin ng ating Pangulo, obserbahan muna at baka maging ito ang sanhi ng pagkalat. Subalit kung nakikita natin na ang trending ay stable naman, I think lalakas ang loob natin, may basehan tayo na ituloy uli iyong mga dahan-dahan naman na pagluluwag,” sabi ni Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, batay sa datos, wala namang malalang epekto ang bagong variant at hindi naman nagpakita ng mataas na bilang ng COVID case sa mga nakalipas na.