Quarantine status ng Metro Manila, mababago pagkatapos ng MECQ ayon kay DILG Sec. Eduardo Año

Kumpiyansa si DILG Secretary Eduardo Año na magbabago na at mas magiging maluwag ang ipinatutupad na quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan pagkatapos ng 15 araw na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ni Año na ang mahalaga sa ngayon ay mapababa ang bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID-19.

Aniya, kinakailangan na mabalanse ang kalagayan at kalusugan ng publiko at ng ekonomiya.


Habang ipinatutupad ang mga health protocols ay kailangang buksan ang ekonomiya upang makapagtrabaho ang mga tao.

Aniya, lahat ng paraan ay ginagawa ng gobyerno para sa treatment, isolation at contact tracing ngayong umiiral ang MECQ.

Sa huli, panawagan pa rin ng kalihim sa publiko na makiisa sa naisin ng Inter-Agency Task Force (IATF) na limitahan muna ang paglabas ng bahay para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 virus.

Sa August 18, 2020, matatapos ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Facebook Comments