Naniniwala si National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Ted Herbosa na panahon na para luwagan at ibaba ang quarantine status ng Metro Manila na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang August 20.
Ito ay kasunod ng mungkahi ng Department of Trade and Industry (DTI) na ilagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila sa susunod na linggo.
Ayon kay Herbosa, kung oobserbahan ay bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa sa mga nakalipas na araw matapos ipinatupad ang ECQ sa Metro Manila.
“So, mukhang may tulong iyong ating ginawang ECQ. Sana tuluy-tuloy ito at hindi dumami kasi naalala ninyo mayroon tayong mga super-spreader event just before nag-implement tayo ng ECQ, iyong mga nagkagulo dahil sa fake news. So, baka lumabas din iyong mga positive doon at makadagdag. So, sana tuluy-tuloy na iyong pagbaba at madalian ang desisyon ng IATF na luwagan ang ating quarantine.” ani Herbosa
Pinayuhan naman ni Herbosa ang Local Government Units (LGUs) na paigtingin ang localized testing kasama na ang testing at tracing sa mga nakasalumuha sa mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa ganitong paraan aniya, hindi mapapahamak ang isang buong lugar at magkakaroon lamang ng clustering.