Nais ni Environment Secretary Roy Cimatu na maipasara at matanggalan pa ng permit ang quarry operator na napaulat na nanghimasok sa loob ng Masungi Geopark sa Baras, Rizal.
Tinukoy ni Cimatu ang quarrying firm na Rapid City Realty and Development Corporation na may Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na inaprubahan ng Department of Environment and National Resources (DENR) noong 1998 at kasalukuyan ng sinusuri ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).
Pinangunahan ni Undersecretary Benny Antiporda ang pagtanggal at pagkumpiska sa mga barbed wires na ipinako sa mga Tibig trees sa naturang lugar.
Sinabi ni Cimatu na inatasan na niya ang MGB na busisiing mabuti ang MPSAs ng dalawa pang quarrying firms na Quarry Rock Group Incorporated at Quimson Limestone Incorporated.
Katulad kasi ng Rapid City ay may operasyon din ang mga ito sa loob ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape gamit ang kanilang MPSAs na nakuha noong huling bahagi ng 1990s.
Ang MPSA ay may validity ng 25 taon simula sa taon na ito ay maaprubahan.
Dahil ang MPSA ng Rapid City ay malapit nang mag-expire at kailangan nang i-renew.
ipinalalagay ni Cimatu na ang ginawang paglalagay nito ng bakod ay may layuning palawakin pa ang kanilang operasyon.