Nagkasundo ang Quezon City government at ang mga obispo ng mga Dioceses ng Cubao at Novaliches na limitahan ang mga aktibidad sa panahon ng Semana Santa.
Kasunod ito ng pagpupulong nina Mayor Joy Belmonte at Novaliches Bishop Roberto Gaa at Cubao Bishop Honesto Ongtioco.
Nagkasundo ang mga ito na simula March 28 hanggang April 4 ay ipagbabawal ang pagsasagawa ng penitensya at pagpapako sa krus.
Ang physical gatherings dahil sa pabasa ay ipagbabawal muna at posibleng magkaroon na lamang ng online pabasa.
Maging ang tradisyonal na Visita Iglesia o Stations of the Cross ay iminumungkahi na gawin online.
Suspendido rin ang public gatherings dahil sa palaspas o Palm Sunday sa March 28 at ang salubong o welcoming of the Risen Christ sa Easter Sunday.
Papayagan naman ang prusisyon ng mga imahe basta’t lilimitahan ito sa convoy ng tatlong sasakyan at walang lalabas sa kalsada upang ito ay masilayan.