Lilimitahan na ng Quezon City Local Government Unit (LGU) ang galaw o aktibidad ng mga residente sa lungsod na hindi pa nababakunahan ng COVID-19 vaccine.
Ito’y matapos na magpatibay ang Quezon City Council ng ordinansa na nagtatakda ng restriction sa mobility ng unvaccinated individuals sa lungsod.
Ang ordinansa ay isinulong nina Councilors Eric Medina, Franz Pumaren, Donny Matias, at Jun Ferrer, Jr.
Sa ilalim ng ordinansa, obligado ang mga non-fully vaccinated workers na kumuha ng RT-PCR test o antigen kada dalawang linggo na personal nilang gastos.
Dapat munang makapagprisinta ang mga ito ng COVID-19 negative result bago payagang makapasok sa trabaho.
Nakasaad din sa ordinansa na binibigyan ng isang buwang option ang mga employer para pabakunahan ang kanilang unvaccinated workers.
Sakaling makatanggap na ang mga ito ng unang shot ng vaccine, hindi na sila oobligahing sumailalim sa bi-weekly test, habang exempted naman ang mga may medically condition ngunit kailangang magsumite ng medical certification.
Para sa sinumang lalabag sa ordinansa, papatawan ang mga ito ng mga sumusunod na penalties na P500.00, P1000.00 at P3,000 sa first, second at third offense.