Quezon City, isinailalim sa State of Calamity dahil sa Bagyong Kristine

Idineklara na ang State of Calamity sa Quezon City kasunod ng naging epekto ng Bagyong Kristine.

Ito ay makaarang aprubahan sa idinaos na special session ng QC Council sa pangunguna ni QC Vice Mayor Gian Sotto at Majority Leader Doray Delarmente ang isang resolusyon hinggil dito.

Dahil na rin dito, maaari nang gamitin ng mga apektadong barangay ang kanilang Quick Response Fund para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga binahang residente.


Kabilang na rin dito ang agarang pag-rehabilitate sa mga nasirang impraistraktura, gaya ng retaining walls at sa clean up ng mga natumbang puno at mga debris.

As of 1pm, bumaba na ang bilang ng mga indibidwal na inilikas sa mga binahang lugar sa QC.

Mula 10,019 indibidwal, bumaba na ito sa 8,880 indibidwal ang namamalagi sa 38 evacuation centers sa 26 na apektadong barangay.

Nagtulong-tulong ngayon ang mga city councilor at pamahalaang lungsod sa pagkakaloob ng hot meal, food packs, at iba pang pangangailangan sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine sa QC.

Facebook Comments