Naglabas ng bagong guidelines ang lokal na pamahalaan ng Quezon City bilang bahagi ng pag-iingat upang hindi na dumami ang kaso ng COVID-19 sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Base sa bagong alituntunin, hahanapan na ng quarantine passes o company IDs ang mga residente na papasok sa mga establishment.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, layon nito na masiguro na walang lalabas ng tahanan para lang gumala.
Ani Belmonte, kung hindi naman lubhang kailangang lumabas, manatili na lang sa loob ng mga tahanan upang maiwasan ang virus.
Sakop ng guidelines ang mga commercial buildings, tindahan at shopping centers.
Ang mga nagsasagawa ng outdoor exercises tulad ng pagtakbo, pagbibisikleta, paglalaro ng tennis, badminton at golf ay hahanapan na ng quarantine pass.
Paalala ni Belmonte sa mga punong barangay, pwedeng mag-isyu ng dalawang quarantine pass bawat miyembro ng kasambahayan.
Ang mga high-risk person, tulad ng mga below 21 years old, 60 years old pataas at mga buntis ay hindi papayagang pumasok sa mga mall at shopping centers.
Ito’y maliban na lamang kung bibili ng mga essential goods at services pero kinakailangang magpakita ng quarantine pass o work ID.
Bawal ding maglagay ng Wi-Fi ang mga mall at shopping centers upang maiwasan ang pagtambay ng mga customer.