Quezon City LGU, naglabas ng pahayag sa pagkakapatay ng isa nilang traffic enforcer

Ikinalungkot ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang nangyari sa isa nilang traffic enforcer na napatay ng isang pulis.

 

Ayon sa alkalde, nakikiramay ang buong Quezon City local government sa pamilya ng traffic enforcer na si Edgar Abad Follero.

 

Sa inilabas na pahayag ng QC LGU, kilala ang traffic enforcer na matulungin, palakaibigan at masunurin na tauhan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS).


 

Sa huling sandali, nagawa pa ni Follero na tumulong sa isang delivery rider na nasiraan ng mototsiklo bago ito napatay.

 

Bagama’t hindi pa malaman ang motibo, nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police Department (QCPD) ang suspek na nakilalang si PLt. Felixberto Tiquil Rapana na nakatalaga sa Anti-carnapping Unit ng Manila Police District (MPD).

 

Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng pulis si Rapana sa Camp Karingal.

 

Sinisiguro ni Mayor Joy sa pamilya ni Follero na gagawin nila ang lahat para makuha ang hustisya sa nangyari at mapanagot ang suspek sa nagawa nitong krimen.

Facebook Comments