Quezon City LGU, naglatag ng karagdagang safety measures sa unang araw ng implementasyon face-to-face classes

Naglabas ng bagong guidelines ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para matiyak na ligtas ang kalusugan ng mga estudyante,mga guro at mga non-teaching personnel sa mga eskwelahan na nagpatupad ngayong araw ng pilot face-to-face classes.

Sa ilalim ng ipatutupad na safety measures, ang mga guro at school personnel ay kinailangang fully-vaccinated habang ang mga estudyante ay dapat kabilang sa fully-vaccinated household adult o bakunado ang mga kapamilya.

Kinakailangan din na naninirahan lamang ang mga ito malapit sa pilot school.


Isasailalim din ng City Epidemiology and Surveillance Unit sa antigen test ang mga mag-aaral at mga guro upang matiyak na ligtas sa infection ng COVID-19.

Batay sa tala ng Schools Division Office, may kabuuang 224 na estudyante mula kinder hanggang Grade 3 levels at 36 teachers at staff ang nakibahagi ngayong unang araw ng pagbabalik sa face-to-face classes sa Payatas B Annex Elementary School.

Habang sa Bagong Silangan Elementary School, 388 grade 3 learners at 55 teachers at non-teaching personnel ang nakibahagi kung saan hinati ang mga ito sa morning at afternoon session.

Tiniyak ng Local Government Unit (LGU) na mahigpit na imo-monitor ang kalusugan ng mga learner at teachers kada araw.

May mag-iikot na safety officers sa school compound para tiyaking nasusunod ang health protocols.

Lahat ng classroom ay isasailalim sa disinfection bago magsimula ang kada session.

Bawal ang mga magulang at mga guardian na makalapit sa school premises.

Nagtalaga naman ang Quezon City Police District ng help desk at may barangay enforcers na magbabantay sa pagkukumpulan g mga tao malapit sa mga pilot school.

Sa Bagong Silangan Elementary School kung saan may gumugulong na barangay vaccination drive, naglagay ng hiwalay na entrance at exit point para sa mga estudyante.

Facebook Comments