Umapela ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Department of Health (DOH) na pabilisin ang paglalabas ng mga dokumento na nagpapahintulot sa mga Local Government Units na gamitin ang mga natanggap na COVID-19 vaccines.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, sa kabila ng pagdami ng mga dumadating na COVID-19 vaccines ay nagkakaroon naman ng delay sa paglalabas ng “Certificate of Analysis” (COA) na nagdulot ng paghinto sa vaccination program ng lungsod.
Ipinunto ng alkalde na noong nakaraang Sabado ay nakatanggap sila ng mga bakuna at nais sana agad nila itong gamitin kinabukasan pero hindi sila pinayagan dahil wala pang ibinibigay na COA ang DOH.
Aniya, bukod sa nagdulot ito ng pagkaantala ng vaccination ay marami ring residente nila ang nadismaya na hindi nakatanggap ng bakuna.
Una nang humingi ng pang-unawa ang DOH na kinakailangan talagang magbigay ng COA para matiyak ang kalidad ng mga bakuna bago ito gamitin.