Ang Quezon City ang magiging punong abala sa gagawing Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Sa isang anunsyo, sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na kabilang sa mga rutang iikutan ng mga float ng mga pelikulang kalahok ay ang Welcome Rotonda, sa Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle.
Magsisimula ang parada bandang alas-2 ng hapon sa December 21.
Una munang magtitipon-tipon ang official film entries sa bahagi ng E. Rodriguez hanggang D. Tuazon.
Ang parada ay may layong pitong kilometro at may estimated travel time na dalawang oras at 30 minuto.
Tiniyak naman ng MMDA na magpapakalat ito ng sapat na bilang ng mga traffic enforcer sa mga daraanang ruta upang makontrol ang mga taong gustong masilayan ang kanilang mga paboritong mga artista.
Walong pelikula ang kalahok na pelikula na ipalalabas sa December 25, araw ng Pasko na magtatagal hanggang January 7, 2023.
Itinakda naman ang awards night sa December 27 na isasagawa sa New Frontier Theater sa Cubao, Quezon City.