May taas-pasahe na sa tricycle ang Quezon City government.
Ginamit na dahilan dito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ginawang basehan sa pagpapatupad ng taas-pasahe ang ipinasang City Ordinance #SP 3131 Series 2022.
Para sa regular trip ng general riding public, magiging P10.00 na ang pasahe ng pasahero sa unang kilometro ng biyahe at dagdag na P2.00 sa bawat karagdagang kilometro.
Kapag special trip naman, magiging P30.00 ang pasahe sa unang kilometro ng biyahe at dagdag na P5.00 sa karagdagang kilometro.
Sa senior citizens, PWDs at estudyante, magiging P8.00 ang kanilang minimum fare dahil may 20% discount sa kabuuang pamasahe.
Habang P24.00 naman ang minimum fare kapag special trip.
Paalala pa ng Local Government Unit (LGU), ang paniningil ng pamasahe ng mas mataas sa nakasaad sa ordinansa at walang nakapaskil na fare matrix ay may kaukulang multa at parusa.