Quezon City Mayor Joy Belmonte, umapela sa publiko kasunod ng diskriminasyon matapos magpositibo sa UK COVID-19 variant ang isang residente

Umapela sa publiko si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasunod ng nararasang diskriminasyon ng ilang residente ng Barangay Kamuning.

Ito ay matapos magpositibo ang isang 29-anyos na lalaki na nanggaling sa United Arab Emirates sa UK COVID-19 variant.

Ayon sa alkalde, may nakarating na sumbong sa kanya na ilang mga taga-Kamuning ay hindi na pinapapasok ng employer sa kanilang trabaho.


Aniya, walang dapat ipag-alala ang publiko dahil agad naman itong sumailalim sa quarantine at hindi na ito nakatungtong pa sa lungsod.

Iginiit din ni Belmonte na wala rin basehan ang pagpapatupad ng community lockdown sa nasabing lugar.

Samantala, nakatakdang magbahay-bahay ang Epidemiology Surveillance Unit ng Department of Health (DOH) sa mga nakasalamuha ng lalaking nagpositibo sa new variant ng COVID-19.

Paliwanag ni DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, 52 lamang sa 159 na pasahero ng Emirates EK 332 ang kanilang na-contact pati na rin ang 12 pasahero na malapit sa girlfriend ng pasyente.

Facebook Comments