Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman sina Quezon Governor Danilo Suarez, Congressman David ‘Jayjay’ Suarez, Quezon Board Member Rhodora Tan at asawa niyang si Jeson Haboc-Tan.
Ang kaso ay isinampa ng mga dating lider ng New People’s Army Guerilla Squad Team ng Hukdong Makabayan at Makabansa na sina Rufino Celeste Callanta, alyas “Ka Ruping” at Sonny Palisoc dela Cerna alyas “Ka Juanito”, pawang naka-base sa Quezon at Laguna.
Sa limang pahinang complaint affidavit, tahasan nilang inakusahan na protektor at financier ng mga teroristang grupo ang mga nabanggit na government officials.
Anila, mahigit isang taon silang tumira sa ni-raid na bahay ni Board Member Rhodora Tan sa Zone 3, Poblacion, Atimonan, Quezon, kung saan laging naiiwan ang mga kasamahan nilang inaresto ng Philippine National Police at militar na sina Ruel Custodio alyas “Ka Baste” at Ruben Istokado alyas “Oyo Miles”.
Sa pahayag nina Callanta at Dela Serna, mula March 22, 2019 ay doon sila nagtatagpo ng ilan pang kasapi ng NPA para kuhanin ang regular na cash allowance para sa pagkain at armas na ibinibigay umano ng mag-amang Suarez hanggang sa salakayin na ng Armed Forces of the Philippines at PNP ang bahay noong December 26, 2020.
Binanggit din nila sa affidavit na nasa loob din sila ng bahay kasama sina Board Member Rhodora at asawa nito pero hindi sila inaresto dahil sa tawag umano ni Gov. Suarez sa team leader ng joint forces ng AFP at PNP.
Ginagamit din umano sila ni Lopez, Quezon Municipal Councilor Arkie Yulde, isa ring kilalang tauhan ni Gov. Suarez, kapag may operasyon sa distribusyon ng illegal drugs sa Quezon Province.
Kaugnay nito, ang mga akusado ang nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Anti-Terrorism Law, Disloyalty to the Philippine Republic and the Filipino People, Dishonesty at Oppression.