Nagdeklara na ng state of calamity ang probinsya ng Quezon kasunod ng pinsalang idinulot ng Bagyong Paeng.
Layon nitong magamit ang quick response fund ng probinsya upang tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng bagyo.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) head Dr. Melchor Avenilla na anumang araw ngayong linggo ay makapagbibigay ulit sila ng tulong lalo na sa mga nasiraan ng tahanan.
Sa ngayon, wala nang 20 pamilya mula sa mga bayan ng Lopez at Calauag ang nasa mga evacuation centers.
Nabatid na pinakamaraming nasirang bahay at pananim dahil sa bagyo ay naitala sa Bondoc Peninsula.
Pinakamalaking pinsala naman sa sektor ng imprastraktura ang naitala sa bayan ng Dolores.
Habang apektado rin ang sektor ng kalakalan at transportasyon sa lalawigan dahil sa pagbagsak ng Bantilan Bridge na nagdurugtong sa Batangas at Quezon.