Quezon Province, posibleng isailalim na sa state of calamity dahil sa hagupit ng Bagyong Aghon

Pinag-aaralan na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong probinsya dahil sa hagupit ng Bagyong Aghon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Quezon province Governor Angelina Tan na ngayon na lang ulit nangyari ang ganito kalalang trahedya sa kanilang probinsya kung saan maraming lugar ang binaha.

“Ngayon lang ganito kagrabe ang flood. From time to time kapag may typhoon, nagkakaroon ng flooding pero hindi ganyan kataas tsaka hindi ganito katagal kasi medyo nag-stay dito sa Quezon si Aghon, so noong lang din nagkaroon ng ganitong baha.”


Dagdag pa ni Governor Tan, pinaka-napuruhan ng bagyo ang mga bayan ng Mauban at Patnanungan na hanggang sa ngayon ay wala pa ring supply ng kuryente dahil na rin sa mga natumbang poste sa lugar.

Marami rin aniyang lugar na binaha sa Lucena City, pero sa ngayon ay nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang mga pamilyang nauna nang lumikas.

Una nang idineklara ang state of calamity sa lungsod ng Lucena kaninang umaga.

Suspendido rin ngayong araw ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan at opisina ng gobyerno sa Quezon province kabilang ang Lucena at Tayabas City.

Facebook Comments