Maagang dinagsa ngayong araw ang Simbahan ng Quiapo sa lungsod ng Maynila.
Ngayong araw, Enero 9 ang mismong kapistahan ng Poong Jesus Nazareno.
Pero kahapon, isinagawa na ang pamunuan ng Quiapo Church ang “Walk of Faith” na nilahukan ng mahigit walumpu’t walong libong mga deboto.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga deboto sa Simbahan ng Quiapo upang dumalo sa Misa ng Pista sa Karangalan ng Poong Jesus Nazareno.
Ilan sa kanila ay galing na rin sa Quirino Grandstand na matapos magbigay-pugay ay lumipat sa Quiapo Church para magsimba.
Samantala, madaling araw pa lamang kanina ay mabaha na ang pila sa kanto papasok sa Plaza Miranda.
Maayos namang nakapwesto ang mga deboto at taimtim na nakikinig sa misa.
Nabatid na simula alas-tres ng hapon kahapon ay oras oras nang nagsagawa ng misa ang Simbahan ng Quiapo na bahagi pa rin ng mga aktibidad para sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Kabuuang 33 misa ang isasagawa ng simbahan hanggang mamayang alas-11:00 ng gabi.