
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang Quiapo Church sa lahat ng naging bahagi ng matagumpay na pagdaraos ng Traslacion 2026.
Partikular na pinasalamatan ang mga church organizers, mga Hijos del Nazareno, kapulisan, medical personnel, at iba pang law enforcement agencies, gayundin ang mga miyembro ng media na naghatid ng tuloy-tuloy at responsableng impormasyon sa publiko.
Nagbigay rin ng pagkilala ang simbahan sa mga deboto na nagpakita ng matinding pananampalataya, sakripisyo, at kooperasyon sa kabila ng mahabang oras ng paghihintay, siksikan, at pagod sa buong ruta ng prusisyon.
Ayon sa pamunuan ng Quiapo Church, ang maayos na pagtatapos ng Traslacion ay bunga ng sama-samang pagtutulungan ng simbahan, pamahalaan, volunteers, at mga deboto na nagbuklod sa diwa ng pananampalataya at disiplina.
Itinuturing ang Traslacion 2026 bilang isa sa pinakamahabang prusisyon sa mga nagdaang taon na muling nagpatunay sa lalim ng debosyon ng mga Pilipino sa Poong Jesus Nazareno.










