Quiapo, ipinadedeklarang national heritage zone ng Senado

Ipinanawagan ni Senator Lito Lapid na ideklarang historical landmark ang Quiapo district sa gitna na rin ng taunang Pista ng Poong Itim na Nazareno.

Ang hakbang na rin aniyang ito ay tugon sa matagal na apela ng mga “heritage conservationists” at mga residente ng distrito na gawing makasaysayan ang lugar.

Hiniling ni Lapid ang agarang pagpapatibay sa Senate Bill 1471 na nagdedeklara sa Quaipo bilang National Heritage Zone dahil sa mga lumang imprastraktura, mayamang kultura at bilang ito ang tahanan ng Minor Basilica ng Poong Itim na Nazareno.


Sa ilalim ng Quiapo Heritage Zone Bill ay ipinatatag ang “third heritage zone” na sasakupin ang Quiapo Church, Plaza Miranda, San Sebastian Church, at Plaza del Carmen.

Nakapaloob sa panukala na hindi lamang ito makakatulong sa pagpapanumbalik at pangangalaga sa lugar kundi makakalikha rin ito ng malawak na saklaw mula sa mga atraksyon na makikita sa Quiapo habang pinoprotektahan ang heritage at cultural integrity ng lugar.

Binigyang diin pa ng senador na isa lamang ang Feast of the Black Nazarene sa napakaraming okasyon na nagpapatunay ng mayamang kasaysayan, tradisyon at kultura ng Quiapo na dapat pahalagahan at protektahan.

Facebook Comments