Isinugod sa Philippine Heart Center si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy noong Biyernes, Nobyembre 8, 2024.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PBGen. Jean Fajardo, dinala sa ospital si Quiboloy matapos makaranas ng pananakit ng dibdib at irregular na tibok ng puso.
Aniya, Nobyembre 7 nang magreklamo si Quiboloy ng paninikip ng dibdib kung kaya’t agad siyang isinailalim sa medical examination sa PNP General Hospital.
Lumabas sa pagsusuri na mayroong irregular heartbeat si Quiboloy na maituturing umanong life-threatening.
Ani Fajardo, pinayagan ng korte si Quiboloy na magpasuri sa Philippine Heart Center kung saan nakatakda sanang ibalik mamayang hapon si Quiboloy sa PNP custodial facility.
Nakatanggap aniya ng email ang PNP mula sa Pasig RTC kung saan pinapayang ma-extend ang medical furlough ni Quiboloy hanggang alas-singko ng hapon ng Nobyembre 16 upang matapos ang lahat ng kanyang medical examination.
Si Quiboloy ay nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame at nahaharap sa mga kasong sexual abuse at non-bailable na qualified human trafficking.