Idinetalye nina Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Benhur Abalos Jr., Philippine National Police o PNP Chief Rommel Francisco Marbil at PRO11 Regional Director, PBGen. Nicolas Torre II ang ginawang pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy kahapon.
Ayon kay Sec. Abalos, kahit gaano kahirap at ka-challenging ang naging sitwasyon sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound ay hindi sila sumuko.
Sinabi ni Gen. Torre na kahit ayaw sumuko ni Quiboloy at apat na kapwa akusado nito ay wala na silang magagawa pa, dahil sila ay napapaligiran na noon ng pulisya.
Ani Torre, nagkaroon pa nga ng extension sa deadline na ibinigay nilang pagsuko kay Quiboloy na umabot hanggang alas-3:15 ng hapon, kahapon Linggo, September 8, 2024.
Ayon kay Torre, pinaligiran ang KOJC ng 500 miyembro ng Special Action Force (SAF) at 500 miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at ready for assault na aniya ang mga ito kung hindi magpapakita si Quiboloy.
Minabuti na aniya ni Quiboloy sumuko upang hindi magkagulo at walang dumanak na dugo.
Ani Torre, dalawa ang ibinigay na kondisyon ni Quiboloy kung saan ang una ay sasakay sila ng eroplano patungong Metro Mla at ikalawa, ayaw niyang makita ang pagmumukha ni Gen. Torre.
Kaya dakong alas-5:30 ng hapon kahapon, 30 minuto bago mag-landing ang C130 plane ay sumuko sa mga awtoridad si Quiboloy at apat na iba pa.
Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Marbil na patunay lamang ito na “no one is above the law” at ang may sala ay mahaharap at paparusahan ng batas.
Si Quiboloy at apat na kapwa-akusado ay nahaharap sa qualified human trafficking at child sexual abuse.