Quiboloy sumagot sa hamon ni Vice Ganda: Hindi lang Probinsyano ang mai-stop, baka pati network mo

Tinanggap na ni Pastor Apollo Quiboloy ang hamon sa kaniya ni Vice Ganda kaugnay sa pagpapatigil ng teleseryeng “Ang Probinsyano” at traffic sa EDSA.

Sa programang “Spotlight” na umeere sa Sonshine Media Network International (SMNI), Huwebes ng gabi, tahasang sinabi ni Quiboloy na kaya niyang mapahinto ang soap-opera sa lalong madaling panahon.

Buwelta pa ng founder ng Kingdom of Jesus Christ, puwede niya rin ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN, kung saan kabilang ang TV host-comedian.


“Kailan mo ba gustong mapa-stop ang Ang Probinsyano? Ikaw, magpili ka, kelan mo ba gustong mai-stop? Isang buwan? Dalawang buwan? Tatlong buwan? Apat na buwan? Ikaw, pili ka,”

“Baka sa apat na buwan, hindi lang yung Probinsyano ang mai-stop, baka pati yung network mo stop na ‘yan.”

Matatandaang magwawakas na ang prangkisa ng giant network sa Marso 2020, o halos apat na buwan na lamang.

Hanggang ngayon, nakabinbin pa din sa Mababang Kapulungan ang panukala para sa franchise renewal ng ABS-CBN Corporation.

Sa huling bahagi ng speech, inihayag ni Quiboloy na naririnig din ng Diyos ang mga patsusadang binaggit ng komedyante sa harap madlang pipol noong Martes.

“Sinabi mo na pahintuin ko ang traffic sa EDSA, paano ko pahihintuin, nahinto na!”

“Ang dapat mong sinabi, pabilisan, pabilisan ang traffic, let traffic flow, e. Paano ko pa pahihintuin ang nakahinto na? Hindi siguro yun ang right word na sinabi mo. Pabilisin.

“Hindi ikaw lang ang nananalangin niyan, tayong lahat ang nananalangin niyan, e. Okay, hintayin natin ang challenge mo.”

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, pagmamay-ari ni Quiboloy ang istasyong SMNI na naka-base sa Davao City at may satellite office sa Makati City.

Mas sumikat ang pangalan ng umano’y “Appointed Son of God” nang manalo sa halalan si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 dahil sa pagiging malapit na kaibigan nito.

Facebook Comments