Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang quick response fund upang maiwasang kumalat pa ang bird flu sa Jaen, Nueva Ecija.
Ayon kay Secretary William Dar, gagamitin ang pondo para bayaran ang mga poultry raisers na apektado ng Avian Flu.
Babayaran ng DA ng ₱10 ang kada ulo ng pugo o quail habang ₱80 naman kada ulo ng manok at pato.
Nilinaw ni Dar na maliit lamang ito kung ikukumpara sa ayuda sa African Swine Fever (ASF) outbreak na tig-₱5,000 ang kumpensasyon sa kada ulo ng baboy.
Kasalukuyan pa rin ang pagsusuri sa iba pang poultry farm sa Jaen, Nueva Ecija.
Kapag nagpositibo ay agad isasagawa ang culling.
Abot na sa 12,000 ang na-depopulate ng DA noong Sabado sa farm na pinagmulan ng nangamatay na pugo.
Dagdag ng Agriculture Chief na walang dapat ipag-panic, dahil ligtas pa ring kumain ng karne ng manok.
Mayroon na rin, aniyang, manual procedures sa pagkontrol ng Bird Flu.