Tinututulan ni dating Health Secretary at Iloilo Rep. Janette Garin ang plano ng Department of Health (DOH) na bumili ng dengue kits kasunod ng pagdedeklara ng national dengue epidemic.
Giit ni Garin, masasayang lamang ang Quick Response Fund (QRF) at maaari lamang ito pagmulan ng korapsyon.
Naniniwala ang kongresista na mayroon lamang kumikita o nagkakaroon ng kickback sa pagbili ng dengue kits.
Mababalewala rin aniya ang dengue kits na ayon sa kongresista ay hindi naman mapapagaling ang isang pasyente o makakapigil sa sakit na dengue.
Ang dengue kit ay isang maliit na bag na may lamang paracetamol, insect repellant at tubig.
Apela ni Garin kay Health Secretary Francisco Duque, huwag nang gamitin ang QRF para sa dengue kits kundi sa ibang paraan na mapipigilan ang pagdami ng mga mabibiktima ng epidemya.