Pinapagamit ni ACT-TEACHERS Partylist Rep. France Castro ang Quick Response Fund (QRF) para sa mga guro at mga kawani ng Department of Education (DepEd) na sinalanta ng mga nagdaang kalamidad.
Kasunod ito ng naunang payo ni DepEd Secretary Leonor Briones sa mga paaralan na humanap ng sariling solusyon lalo na sa problema ng mga nabasang learning materials at modules kung saan ito naman aniya ay paraan ng ahensya upang mahikayat ang mga eskwelahan na magkusa sa halip na hintayin ang orders mula sa kanila.
Giit ni Castro, napaka-insensitive at uncaring ng pahayag ng kalihim para sa mga guro at kawani na sinalanta rin ng bagyo.
Dapat aniyang kumilos at magbigay ng tulong sa mga apektadong school division ang DepEd Central Office.
Tinukoy ng kongresista na mayroong budget items tulad ng QRF na maaaring gamitin ng DepEd Central Office para matulungan ang mga apektadong paaralan.
Sinabi ni Castro na hindi kakailanganin ng mga school division ng guidelines para sa pagsasaayos ng mga nabasa at nasirang modules pero obligasyon ng DepEd Central Office na gamitin ang resources nito para makapagpadala ng tulong sa mga paaralan na matinding sinalanta ng kalamidad.