QUIRINO PROVINCE, TUMANGGAP NG P12M MULA SA DTI

CAUAYAN CITY – Nagkaroon ng kasunduan ang lalawigan ng Quirino at Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng paglagda sa Usufruct Agreement.

Sa ilalim ng kasunduang ito, ipinagkaloob ang halagang P12 milyong piso para sa mga proyektong nakapaloob sa 2024 Shared Service Facility (SSF), na magpapalakas sa sektor ng negosyo sa lalawigan.

Ang pondong ito ay ilalaan para sa mga kagamitan at kasangkapang kinakailangan upang mapalago ang mga negosyo sa Quirino, na magsisilbing tulong para sa pag-unlad ng kanilang kabuhayan.


Samantala, walong negosyante mula sa Nagtipunan na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo ang nakatanggap ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) kits mula sa DTI. Ang mga kits ay layuning tulungan ang mga negosyante na makapagsimula muli at makabangon mula sa mga pagsubok dulot ng kalamidad.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na suporta ng DTI at ng lokal na pamahalaan sa mga negosyante sa Quirino, upang mapabilis ang kanilang pagbangon at pagpapalago ng kanilang mga kabuhayan.

Facebook Comments