Manila, Philippines – Hindi papayag ang mga mahistrado ng Korte Suprema na mag-preside sa gagawing special en banc session sa Biyernes si Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno.
Ayon sa source mula sa Korte Suprema, kung sisipot si Sereno sa special en banc session, hihilingin ng mga mahistrado na siya ay umalis ng sesyon dahil tatalakayin ang quo warranto case laban sa kanya.
Una nang sinabi ng mga abugado ni Sereno na plano ng punong mahistrado na magpreside ng special en banc session sa Byernes pero mag-iinhibit siya pagdating sa deliberasyon ng kanyang quo warranto case.
Sa media advisory kanina na ipinalabas ng Supreme Court-Public Information Office, nakasaad na tuloy ang botohan ng mga mahistrado sa Biyernes.
Base sa abiso ni Acting Chief Justice Antonio Carpio, ang special en banc session ng Korte Suprema sa Biyernes ay magsisimula dakong alas dies ng umaga.
Samantala, dumating din ngayong hapon sa Korte Suprema si dating Senador Bongbong Marcos.
Sinilip ni Marcos ang revisors na nagsasagawa ng recount sa kanyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Kasama ni Marcos na nagtungo sa Kataas Taasang Hukuman ang kanyang maybahay na si Liza.
Nilapitan din ni Marcos ang kanyang mga taga suporta na ilang linggo nang nagsasagawa ng programa sa harapan ng Korte Suprema at patuloy na nagbabantay sa manual recount ng Presidential Electoral Tribunal.