Manila, Philippines – Tiniyak ng kampo ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno na dadalo ito sa oral arguments na ipinatawag ng Korte Suprema sa April 10 sa Baguio City.
Kaugnay ito ng quo warranto petition na inihain laban sa kanya ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon kay Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno, personal na ilalahad ng punong mahistrado ang kanyang panig sa gagawing oral arguments.
Handa rin aniya si Sereno na sagutin ang mga katanungan ng kanyang mga kapwa mahistrado.
Sa kabila nito, nanindigan ang kanilang kampo ni Sereno na ang tamang paraan pa rin para alisin sa pwesto ang punong mahistrado ay sa pamamagitan ng impeachment process.
Kumpiyansa rin ang kampo ni Sereno na hindi makikitaan ng Korte Suprema ng merito ang petisyon ng Office of the Solicitor General.