Manila, Philippines – Tatalakayin ng House Committee on Rules ngayong araw ang report ng house panel na duminig sa reklamong impeachment laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, isasama sa agenda ang impeachment kay Sereno para pag-usapan kung kailan ibababa sa plenaryo ng Kamara ang naging pasya ng House Justice Committee.
Pero ayon kay Fariñas, posibleng umabot pa hanggang sa SONA ni Pangulong Duterte sa Hulyo ang pagtalakay sa impeachment ni Sereno bago ito dalhin sa plenaryo.
Paliwanag nito, sa ilalim ng rules ng Kamara, mayroong 10-session days ang rules committee upang dalhin ang isang report sa plenaryo para magdebatehan.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na mayroon lamang silang 9-session days bago sila magkaroon ng adjourn sine die sa Hunyo at hindi ito aabot sa hinihinging 10 session days.
Magugunita na sa botong 33 na yes at isang no inaprubahan ng House Justice Committee ang report upang i-impeach si Sereno.