R1MC, NAGBABALA LABAN SA MGA NAGPAPANGGAP NA OPISYAL UPANG MANGHINGI NG PERA

Naglabas ng abiso ang Region 1 Medical Center (R1MC) matapos makatanggap ng ulat hinggil sa ilang indibidwal o grupo na umano’y nagpapakilalang kaugnay o kaanak ng mga opisyal ng ospital upang manlinlang at humingi ng pinansyal na suporta o “investment.”

Ayon sa R1MC, ginagamit ng mga mapanlinlang na indibidwal ang pangalan ng ospital at mga opisyal nito upang magpakalat ng kahina-hinalang mensahe—isang modus na posibleng lumalaganap lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Bilang tugon, mahigpit na pinapaalalahanan ng ospital ang publiko na maging mapagmatyag at iwasang makipagtransaksyon sa sinumang taong humihingi ng pera o anumang uri ng “investment” na gumagamit ng pangalan ng R1MC nang walang pahintulot.

Binigyang-diin ng pamunuan na hindi sila humihingi ng anumang pinansyal na kontribusyon mula sa publiko, at anumang ginagawa nito ay dapat dumaan sa mga opisyal na proseso lamang.

Hinimok ng R1MC ang sinumang makatanggap ng kahina-hinalang mensahe, tawag, o kahilingan na agad itong iulat at ipasuri sa mga sumusunod na opisina: 0947-559-0020 | 0945-758-9235

Umaasang magsisilbing gabay ang nasabing advisory upang maiwasan ang anumang uri ng panlilinlang.

Facebook Comments